NAGA CITY – Sugatan ang nasa 17 katao matapos mahagip ng isang bus ang isang jeep sa Barangay Danlagan, Lopez, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na binabaybay ng Eagle Star bus na minamaneho ni Eduardo Retal Boyano, 51-anyos ang kahabaan ng kalsada sa lugar mula sa Bicol Region at patungo sana sa Manila.

Ngunit pagdating sa nasabing lugar, aksidente nitong nahagip ang isang Isuzu Jitney na minamaneho naman ni Rey Losa na sakay ang 16 mga pasahero.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad namang isinugod sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing pangyayari.