-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang 17-anyos na binatilyo na nagtangkang magpuslit ng shabu sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bgy. Nalook, Kalibo, Aklan.

Ito ang kinumpirma ni P/Lt. Julie Ruiz, Police Community Relation Officer ng Kalibo Municipal Police Station.

Batay sa ulat, tinangka umano ng binatilyong si alyas Dadong, residente ng Bgy. Bugasongan, Lezo na ipuslit ang shabu na isiningit sa mga tangkay ng kangkong na may kasamang karne ng baboy para sa isang kakilalang inmate sa pagbisita sa naturang piitan.

Narekober ng mga jail guard mula sa binatilyo sa isinagawang inspeksyon ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at ilang mga nakarolyong aluminum foil.

Giit ng binatilyo na napag-utusan lamang siyang ihatid ang mga gulay at karne loob ng kulungan.

Inihahanda naman ng pulisya ang ihahaing kaso laban sa binatilyo sa pakikipagtulungan na rin ng DSWD.