-- Advertisements --

Isang hindi pa nakikilalang suspek ang naghagis ng granada sa loob ng Charlie Headquarters Command Post sa Barangay Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, nakuhanan ng CCTV ang insidente kung saan makikitang inihagis ang granada na sumabog sa loob ng compound ng kampo.

Sa kabila ng pagsabog, wala namang naitalang nasawi o nasugatang sundalo.

Agad namang nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad ang mga tropa ng militar kasunod ng insidente.

Naka-heightened alert na rin ang mga pwersa ng militar at mga checkpoint sa lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang responsable sa pag-atake.