Itinuturing na ngayon ng pulisya bilang person of interest ang live-in partner ng pinaslang na marine biologist na si Dr. Kent Carpenter.
Ayon kay Negros Oriental Police Provincial Office Director Col. Timmar Alam, dalawa na ang kanilang persons of interest na maaaring makatulong sa pagtukoy sa mga nasa likod ng krimen.
Bukod sa live-in partner ng biktima, kabilang din umano sa persons of interest ang kapatid ng babae na madalas na bumibisita sa bahay ng mga biktima.
Sinabi ng pulisya na kabilang sa mga tinitingnan nilang anggulo ang katotohanang hindi sinaktan ng mga suspek ang babae sa kabila ng insidente.
Patuloy naman ang pagsusuri ng cybercrime investigators sa mga nakuhang CCTV footage upang luminaw ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek.
Lumabas din sa mas malalimang imbestigasyon na walang nakitang senyales ng forcible entry sa bahay, taliwas sa naunang pahayag na may sapilitang pinasok ng mga suspek ang bahay.
Inaalam din ng pulisya ang alegasyon ng sexual assault laban sa live-in partner ng marine biologist dahi negatibo umano ang naging resulta ng isinagawang vaginal swab examination sa babae.
Batay sa salaysay ng babae, tinangay umano ng mga suspek ang humigit-kumulang P50,000 cash, isang wallet na naglalaman ng P25,000, at isang laptop.
Dahil dito, robbery o pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.
Tinitingnan din ng pulisya kung nasa impluwensya ng ilegal na droga o alak ang mga suspek nang mangyari ang krimen, lalo’t agad umanong binaril ang biktima habang nakaupo sa loob ng bahay at walang indikasyong nanlaban.
Kasabay nito, patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang iba pang posibleng anggulo, kabilang ang trabaho ng biktima bilang marine biologist at mga espekulasyong lumalabas sa social media kaugnay nito.










