-- Advertisements --

Nasa 16 pang mga NBA players ang nagpositibo sa coronavirus 2019 o COVID-19.

Ayon sa NBA, ito ay matapos na isailalim sa COVID tests ang nasa 302 na mga manlalaro mula pa noong Hunyo 23.

https://twitter.com/NBA/status/1276540626255917056

Dahil dito, lahat aniya ng mga nagpositibo ay ihihiwalay ng ilang araw hanggang sa sila ay gumaling na.

Ang nasabing hakbang ng pagsasailalim sa COVID-19 testing ay bilang bahagi ng protocol bago ang muling pagsisimula ng mga laro sa July 30 sa Walt Disney World Resort sa Florida.

Magsisimula na rin ang training camp ng mga koponan sa darating na Hulyo 9 hanggang 29 sa nasabing resort.

Tanging mga head coach lamang ang kasama at dalawang empleyado ng bawat koponan ang maaaring makibahagi sa individual workouts.

Magugunitang noon pang Marso ay natigil ang mga laro sa NBA dahil sa coronavirus pandemic at pumayag ang mga ito sa pagbabalik sa Hulyo subalit tanging 22 sa kabuuang 30 teams ang makakasama.

Habang nitong nakalipas na araw naman ay nagpositibo rin sa COVID sina Sacramento Kings forward Jabari Parker at kasamahang si Buddy Hield. Gayundin sina Indiana Pacers guard Malcolm Brogdon at Nuggets big man Nikola Jokic.