KORONADAL CITY – Bangkay na nag matagpuan ang isang dalagita na halos dalawang araw nang nawawala sa Banga, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Major Joseph Forro III, kinilala ang biktima na si Barbie Bernardido Inocencio, 16-anyos at estudyante ng Notre Dame of Banga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakita umano ng limang kabataan ang isang sako na hinihinalang may laman na bangkay sa isang footbridge sa nasabing lugar na agad namang nirespondehan ng mga otoridad.

Dito tumambad ang paa ng isang babae na nakagapos pa ang mga kamay at duguan ang suot na uniporme.

Kaagad tinawagan ang pamilya ng biktima at dito kinumpirma mismo ng ina ng dalagita na ang bangkay na nakita ay anak nito.

Kaugnay nit, hustisya ang sigaw ng pamilya at mga kaibigan ng dalagita na inilarawan bilang mabait at matalinong bata.

Sa ngayon, patuloy ang mga otoridad sa imbestigasyon sa krimen at hinihintay din ang resulta ng autopsy sa labi ng biktima.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Banga-Philippine National Police sa mga huling nakasama ng biktima bago ito napaulat na missing.

Napag-alaman na nagbabantay lamang sa harap ng isang bake shope sa bayan ng Banga ang biktima at hindi na nakauwi pa.