-- Advertisements --

Idinagdag ang nasa 150 produkto ng Pilipinas sa listahan ng exports o iniluluwas na mga produkto patungong United Kingdom na wala ng taripa sa ilalim ng bagong Developing Countries Trading Scheme (DCTS) na magiging epektibo sa Hunyo 19.

Ayon kay British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils, layunin ng bagong scheme na palitan ang Generalized Scheme of Preference+ (GSP) kung saan mas magiging attractive pa ang UK at financially viable para sa mga exporter gaya ng Pilipinas.

Kayat dapat na samantalahin na aniya ng mga exporter ang bagong trading scheme dahil sa mas mababang duties o taripa sa ilang mga produkto gaya ng tuna na dati ay mayroong 20% na taripa subalit dahil sa bagong scheme ay matatanggal na ito.

Maliban pa sa tuna, ang iba pang agricultural products, tropical fruits at electronic products ay attractive din sa UK.

Ayon pa sa envoy, makakatipid din ang mga exporter sa Pilipinas ng P1.4 billion kada taon sa ilalim ng bagong trading scheme.

Bukod dito, mapapalakas pa ang kalakalan sa pagitan ng UK at Pilipinas na pumalo pa nga sa £2.4 billion noong 2022.