Labinlimang unibersidad sa Pilipinas ang kabilang sa mga nangungunang unibersidad sa mundo na nag-aambag sa United Nations’ Sustainable Development Goals (SDGs), kung saan ang Ateneo de Manila University ang nangunguna sa iba pang higher education institutions (HEIs) sa bansa.
Ito ay ayon sa 2022 Times Higher Education (THE) Impact Rankings, na nagpapakita ng 300-porsiyento na pagtaas sa bilang ng mga ranked Philippine universities, mula lima lamang noong nakaraang taon hanggang 15 unibersidad ngayong taon, sinabi ng Commission on Higher Education (CHEd).
Nakuha ng Ateneo ang pinakamataas na ranggo sa mga unibersidad sa Pilipinas dahil nasa 101-200 ranking.
Ito ang pinakamataas na rank na natanggap ng alinmang unibersidad sa Pilipinas mula nang ilunsad ang ranking noong 2019.
Sinusukat ng THE Impact Rankings ang mahigit 1,000 unibersidad mula sa 106 iba’t ibang bansa at rehiyon.
Samantala, walo pang state universities at colleges ang nakapasok sa ranking, ito ay ang Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte, Central Luzon State University sa Nueva Ecija, Tarlac Agricultural University sa Tarlac, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa Iligan , Nueva Ecija University of Science and Technology sa Nueva Ecija, Visayas State University sa Leyte, Cebu Technological University sa Cebu at Tarlac State University sa Tarlac.