LEGAZPI CITY – Lumubog ang bangkang sinasakyan ng 15 katao sa karagatang sakop ng Pioduran, Albay, dakong alas-8:00 kaninang umaga.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office chief Noel Ordoña, biyaheng Claveria, Masbate ang sasakyang-pandagat na may markang “Island Breeze” at kaaalis lamang sa pantalan ng Pioduran nang mangyari ang insidente.
Sinuspinde na rin kahapon ang biyahe ng cargo boat dahil sa masungit na lagay ng panahon subalit itinuloy ngayong araw nang makitang kumalma ang dagat.
High tide rin nang sumuong sa dagat ang bangka kaya nasalubong ang malalaking alon na nagpataob dito.
Ayon pa kay Ordoña, hindi pampasahero ang bangka at nagkarga lamang ng mga bigas lulan ang 11 tripulante ngunit apat na pasahero umano ang nagpumilit na makisakay.
Nagsagawa naman ng rescue operations sa tulong ng Philippine Coast Guard upang masagip lahat na lulan ng bangka.
Panawagan naman ng mga otoridad sa mga biyahero at may-ari ng mga sasakyang-pandagat na tumalima sa mga abiso kapag hindi maganda ang lagay ng panahon.