-- Advertisements --

NAGA CITY – Masuwerteng nakaligtas ang nasa 15 health workers mula sa lumubog na bangka sa karagatang sakop ng Barangay Tinalmud, Pasacao, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Petty Officer 1 Efren Abanilla ng Philippine Coast Guard (PCG)-Camarines Sur, sinabi nito na habang pauwi na ang nasabing mga health workers mula sa isinagawang barangay vaccination nang tumama sa matalim na bato ang sinasakyan nilang bangka dahilan upang mabutas ito.

Dahil sa insidente, tuluyang nakapasok ang tubig sa bangka at naging dahilan upang lumubog ito.

Wala naman umanong naitalang nasugatan sa mga sakay nito dahil kaagad ding silang natulungan ng mga bangkero sa lugar.

Sa ngayon, panawagan na lamang ng PCG officer na bago pumalaot ay tiyakin na nasa kondisyon ang makina ng kanilang mga bangka at iwasan din ang pag-overload o sobrang sakay upang maiwasan ang anumang aksidente.

Pinatitiyak din nito na mayroon dapat life vest ang kanilang mga bangka para sa mga emergency situation.