-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nasa kustodiya na ng Women and Children’s Protection Desk ang isang menor de edad na ina na ikinokonsiderang suspek sa pagpatay sa kanyang sariling anak sa Lungsod ng Davao.

Kung maaalala, isang residente ng Barangay Gumalang, Baguio District nitong lungsod ang nakakita sa putol na bahagi ng katawan ng isang bata.

Dahil dito, nagsagawa ng imbestigasyon ang Baguio District hanggang sa matuklasan nila na may isang bahay na may bakas ng mga dugo kung saan naninirahan ang 15-anyos na nakilalang si alyas Julie.

May nakita rin umanong dugo ang mga otoridad sa loob ng naturang bahay.

Sa ngayon ay nakatakdang ipa-check up sa doktor ang kalagayan ng menor de edad na ina para malaman ang kondisyon nito lalo na at pinaniniwalaang dala ng tinatawag na post partum depression ang dahilan ng krimen.