CENTRAL MINDANAO – Abot sa 143 na mga corn farmers mula sa mga barangay na isinailalim sa End Local Communist Armed Conflict o ELCAC ang makatatanggap ng loan assistance mula sa Land Bank of the Philippines (LBP).
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang mga corn farmers, city government, at Land Bank para sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka ng mais na mapalago ang kanilang pananim at kita sa 12 barangays na unang makatatanggap ng ayuda.
Nagmula ang pondo sa SURE Aid program for corn farmers ng Department of Agriculture.
Ayon kay City Agriculturist Marissa Aton, aabot sa P25,000 ang maaaring hiramin ng magsasaka ng mais mula sa Land Bank na babayaran kada anim na buwan sa loob ng 10 taon.
Ginawa ito upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga magsasaka na kumita mula sa pagtatanim ng mais at makabayad ng loan, ayon na rin sa MOA.
Kabilang naman ang mga sumusunod na mga barangay at bilang ng mga recipients ng loan assistance: Marbel – 14, Balabag – 5, Perez – 6, New Bohol – 9, San Roque – 7, Singao – 11, Sto. Nińo 5, San Isidro – 29, Katipunan – 7, Linangkob – 10, Malinan – 28 at Gayola – 12.
Kaugnay nito, bibilhin naman sa tamang presyo ng city government ang mga produkto ng mga magsasaka at ibebenta sa pamilihan sa ilalim ng food sufficiency program.
Sa ganitong paraan ay matutulungan ng LGU Kidapawan na maitaguyod ang pamumuhay ng mga magsasaka mula sa kanilang pagtatanim ng mais at iba pang produktong pagkain.