Agad na itinakbo sa ospital ang hindi bababa sa 14 residente ng Barangay Calulut sa San Fernando City matapos makagat ng asong may rabies.
Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga sinakmal ay mga bata.
Sa kuha ng CCTV camera sa naturang barangay, nakita ang pagpasok ng aso sa tindahan, Huwebes ng hapon, at bigla nitong inatake ang mukha ng babaeng bantay na nakaupo lang at nagpapahinga.
Sa ibang CCTV footage naman, nakita ring biglang natumba nang patihaya ang isang bata paglabas na paglabas ng pintuan ng kanilang bahay. Inatake rin ito ay sinakmal sa mukha.
Ayon sa beterinaryong si Dr. Ryan Paul Manlapas, iisa lang umano ang aso na nasa likod ng mga sunod-sunod na pagsakmal ng mga residente ng Barangay Calulut.
“Iyong atake kasi is mabilisan, biglang magmo-move forward yung aso kakagat tapos biglang aatras na kaagad tapos biglang tatakbo na sa ibang bahay,” sabi ni Manlapas.
Napag-alamang Belgian Malinois ang breed ng aso. Namatay naman ito matapos hulihin at hampasin ng mga residente dala ng takot na baka sakmalin din sila.
Samantala, nang ipasuri ang aso sa Regional Animal Diseas Diagnostic Laboratory, nag positibo ito sa sakit na rabies.
Babala ni Manlapas, posibleng ikasawi ng mga biktima ang impeksyong dala ng rabies, malaki kase aniya ang posibilidad na naipasa ng aso ang virus sa mga taong nakagat nito.
Naitakbo naman sa pagamutan ang mga nakagat ng aso at nabigyan ng anti-rabies post-exposure vaccination.