Nasa 14 na quarrying operators sa Albay na napaulat na lumabag sa ilang environmental laws, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa isang panayam sinabi ni Environment Usec. Jonas Leones, na lumabas sa initial report na ilang quarry operators ang nag-exceed o sumobra sa kanilang mandato.
May iba naman daw na nag-ooperate pa rin kahit expired na ang kanilang permit.
“Based doon sa aking information, na-finalized na ‘yung report, ang initial report diyan we have already identified at least 14 quarry operators na talagang nag-violate ng environmental laws natin,” ani Leones sa DZBB interview.
Ayon sa opisyal, napatawan na ng temporary suspension ang 14 na quarrying operators. Hiwalay na extended operations stoppage ang desisyon sa ibang may paglabag sa batas.
Pinag-aaralan na raw ngayon ng DENR ang pagli-limita ng quarrying operations sa itinuturing na “stable areas.”
Kung maaalala, isinisi sa quarrying operations ng mga residente ng Brgy. San Francisco sa Guinobatan, Albay ang naranasang lahar mudflow noong kasagsagan ng Super Typhoon Rolly.