Hindi bababa sa 14 na katao ang nasawi matapos ang isang pinaghihinalaang suicide bombing sa labas ng himpilan ng pulisya sa hilagang-kanluran ng Pakistan.
Naganap ang pagsabog sa Kabal area sa Swat district ng Khyber Pakhtunkhwa province.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa mga nasawi ang limang pulis, walong sibilyan, at ang pinaniniwalaang suicide bomber.
Aabot naman sa 18 ang nasugatan sa insidente.
Kasabay ng pagsabog, may isinasagawang pro-police rally sa lugar, ngunit hindi pa malinaw kung ito nga ang target ng pag-atake.
Inako ng militanteng grupong Tehreek-e-Taliban Pakistan ang pananagutan sa insidente.
Nagpahayag naman ng matinding pakikiramay si Pakistani Prime Minister Muhammad Shehbaz Sharif at kinondena ang pag-atake.
Naglunsad na rin ng operasyon ang pulisya upang matukoy at madakip ang iba pang posibleng sangkot sa pambobomba.
Patuloy na nahaharap ang Pakistan sa lumalalang insurgencies, lalo na sa mga border nito, kung saan madalas na target ng mga pag-atake ang mga pulis at militar.
Patuloy na inaakusahan ng Pakistan ang Taliban sa Afghanistan na nagbibigay ng suporta sa mga militanteng grupo, isang alegasyong mariing itinatanggi ng Taliban.
















