-- Advertisements --

Nailigtas ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force ang 14 na babae kabilang na ang tatlong menor de edad na pawang mga biktima ng human trafficking.

Naaresto naman ang apat na suspek na miyembro umano ng human trafficking syndicate na sina Wilson Ebreo, Alora Almoguera, June Derilo at Robin Señar.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang NBI mula sa Destiny Rescue Pilipinas Incorporated na mismong ang mga suspek at mga asawa nito ang nag-aalok ng kanilang mga anak sa mga customers kaya isang NBI agent na nagpanggap na seaman at customer ang nakipag-ugnayan sa mga suspek at inalok siya ng P3,500 hanggang P6,000 kapalit ng sexual activities.

Agad namang isinagawa ang raid o entrapment operation sa inuupahang bahay ng mga suspek sa Barangay Balintawak, Lipa City at doon naaresto ang apat pero isa sa kanilang asawa na si Mary Grace Flores.

Nagulat naman ang mga taga NBI dahil kabilang sa mga nailigtas ay ang siyam na buwang gulang na sanggol na karga ng ina noong isinagawa ang raid at nadiskubre na pati pala ang sanggol ay kasama sa kanilang iniaalok sa mga customers.

Nakatakda nang isalang sa inquest proceedings sa Lipa City Prosecutors Office ang mga naarestong mga auspek at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9208 at 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 in relation to R.A. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na may kaugnayan sa R.A.10175 o Cybercrime Law.