Inaresto ng pulisya ang isang 20 anyos na lalaking suspek sa pagpatay sa isang 14 anyos na batang lalaki na nangyari nitong Sabado sa Barangay Taytay, Danao City.
Naaresto kahapon ang suspek na si Jodeil Enoy dakong alas 3 ng hapon matapos magsagawa ng manhunt operation ang Danao City PNP habang nagawa namang makatakas ang dalawa pang kasamahan nito.
Kahapon ng umaga rin nang binawian ng buhay sa ospital ang biktimang si Niño Anthony Roble, residente ng Rizal St. Barangay Suba ng nabanggit lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima at isa pang menor de edad na barkada sa motor na minamaneho ng isang 52 anyos na si Basilse Beduya patungo sana sa Barangay Suba nang may isa pang motorsiklong may sakay na tatlong katao ang na kasunod nito.
Isa sa mga sakay nito ang bumunot ng baril at pinaputukan sila kaya natamaan si Roble sa likod.
Agad namang tumakas ang mga salarin sa kabilang direksyon at naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit binawian din ng buhay.
Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaril at patuloy namang tinutugis ang dalawang iba pang kasamahan ng naarestong suspek na si Enoy.