Aabot na sa 900 cell sites ang kasalukuyang tinatayo ng DITO Telecommunity Corporation sa bansa at inaasahan na 1,300 sites ang matatapos ngayong taon.
Ayon kay DITO Chief Administrative officer Atty. Adel Tamano, pinaplantsa na umano ng naturang 3rd telco ang commercial launch sa Marso 2021.
Pangako aniya ng kumpanya sa gobyerno ang makapagbigay ng 27 mbps na siguradong doble o triple ng current download speed na natatanggap ng mga customers nito.
Gumastos na rin umano ang DITO ng P150 billion ngayong taon para lang siguraduhin na hindi madidismaya ang mga Pilipino sa kanilang hatid na serbisyo.
Dagdag pa ni Tamano, target din nila na mabigyan ng internet copnnection ang mga lugar na hindi naaabot nito. Sa loob daw ng limang taon ay nais nila na magkaroon ng maayos na internet ang nasa 87% ng populasyon sa bansa.
Ang naturang commitment aniya ay hindi lamang tungkol sa kikitain ng kumpanya ngunit pati na rin ang mabigyan ng pantay na information access ang mga mahihirap na lugar.
Nilinaw din ni Tamano na wala pang cell sites na tinatayo sa mga military camps. Titingnan pa raw kasi nila kung ilang co-location sites ang kanilang kakailanganin.