-- Advertisements --

LTFRB2

Nahuli ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 13 Premium taxi sa inilunsad na Anti-Colorum Operation ng ahensiya simula pa noong buwan ng Marso.

Ang paghuli sa mga naturang Premium Taxi ay kasunod ng mga natatanggap na reklamo ng ahensiya hinggil sa iligal na gawain ng mga nabanggit na pampublikong sasakyan.

Batay sa nakalap na reklamo, nagpapabayad ng “per ulo” o kada pasahero ang mga nahuling Premium Taxi, taliwas sa orihinal nitong operasyon na dapat ay meter-based ang kanilang pamasahe.

Ang Premium Taxi ay bahagi ng Taxi Modernization Program base sa inilabas na Department Order 2019-007 ng Department of Transportation (DOTr).

Bagamat ang taxi unit ay karaniwang sedan-type na sasakyan, ang Premium Taxi ay maaaring isang Multi-Purpose Van (MPV), Utility Van (UV), o Sports Utility Vehicle (SUV) at nakabase rin sa metro ang kanilang pamasahe tulad ng isang ordinary taxi.

Sa mga ikinasang operasyon ng LTFRB, nahuli ang walong Premium Taxi ngayong buwan, kabilang ang apat na na-impound kahapon, May 10, 2022. Lima naman ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon noong Marso at Abril.

Sa 13 na na-impound, 12 ang galing sa G.V. Daraman Transport habang ang isa ay unit ng SRRCA Araneta Transport Corp.

Papatawan ng multa ng hanggang P200,000 ang mga operator ng naturang mga Premium Taxi at mananatiling naka-impound ang mga naturang sasakyan ng hanggang tatlong (3) buwan matapos mabayaran ang multa, base sa Joint Administrative Order 2014-01. Posible ring matanggalan ng CPC ang operator ng mga naturang Premium Taxi.

Muli namang pinapaalala ng LTFRB sa publiko na huwag nang tangkilikin ang mga colorum na Public Utility Vehicle (PUV) upang maiwasan ang aberya sa biyahe, sa halip ay sumakay na lamang sa mga pampublikong sasakyan na may lehitimong CPC at tumatakbo sa kani-kanilang ruta.