Inihayag ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na tanging nasa 13% pa lamang o P12.7 billion ng P94 billion kabuuang pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang naipamahagi dahil sa nagpapatuloy na paglilinis sa listahan ng mga benepisyaryo.
Ginawa ng kalihim ang naturang anunsiyo sa isinagawang pagdining ng House appropriations panel sa P207 billion panukalang pondo ng ahensiya para sa susunod na taon.
Ayon sa DSWD chief na ang pagtukoy ng hindi mahihirap na households mula sa Listahan 3 ay base sa ginagamit na tool na tinawag na Social Welfare Development Indicators.
Paliwanag pa ng kalihim na ang mababang paggamit ng pondo para sa naturang programa ay pansamantala lamang dahil pinabibilisan na ang pag-validate sa kasalukuyang households na na-tag na bilang non-poor sa Listahan 3.
Umaasa naman ang ahensiya na makukumpleto nila ang assessment process sa Setyembre ng kasalukuyang taon para matukoy ang eligibility ng households kung sila ay mananatili bilang benepisyaryo o tatanggalin na sa programa.
Sa kabila nito, ayon sa kalihim, ang target na bilang ng 4Ps beneficiaries ay mananatili pa rin sa 4.4 million households kahit na nalinis na ang listahan.