CAUAYAN CITY- Naitala ngayong araw sa Isabela ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 mula ng makapagtala ang lalawigan ng kaso ng virus.

Sa inilabas na abiso ng pamahalaang panlalawigan, umabot sa 128 ang naitala ngayong araw.

Sa naturang bilang ay 73 ang mula sa Santiago City, 24 sa bayan ng Echague, 22 sa Ilagan City, 5 sa Cordon habang tig-iisa sa Cauayan City, Dinapigue, Gamu at Naguilian.

Dahil sa panibagong kaso ay umakyat na sa 565 ang aktibong kaso sa lalawigan.

Labing anim ang Returning Overseas Filipinos (ROF), 21 ang non-authorized persons outside residence, 57 ang Health Worker, dalawa ang pulis at 469 ang mula sa local transmission.

Magandang balita naman dahil nadagdagan ng 64 ang gumaling.

Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na sundin ang mga alituntunin at huwag lumabas sa tahanan kung hindi mahalaga ang pupuntahan.