GENERAL SANTOS CITY – Nagbigay din ng tulong ang Malungon, Sarangani province sa mga biktima ng serye ng lindol sa North Cotabato.

Ayon kay Col. Edgar Yago, hepe ng Malungon Municipal Police Station kasama ang ang pulisya kanilang inihatid ang dalawang dump truck ng relief goods sa mga biktima ng lindol sa North Cotabato.

Kinabibilangan ang nasabing relief goods ng mga damit, pagkain, canned goods, tubig at marami pang iba.

Habang sinabi rin ni Col. Teody Condesa, tagapagsalita ng Sarangani Provincial Police Office na gumawa rin ng inisyatibo ang provincial command at LGU-Sarangani upang mamigay din ng tulong kung saan nasa 10 trucks ng relief goods ang ipinadala na sa North Cotabato.