KORONADAL CITY – Umabot na sa labindalawang miyembro ng local terrorist group na Dawlah Islamiyah at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang sumuko sa probinsya ng Maguindanao dahil sa pinalakas na military operation.
Ito ang inihayag ni Lt. Col. Dennis Almorato, tagapagsalita ng 6th Infantry Division Phil. Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Almorato, ang labindalawang mga armado ay sumuko bitbit ang kanilang mga armas sa tulong ng mga opisyal ng gobyerno, 6th Infantry Battalion at 2nd Mechanized Battalion.
Dagdag pa ng opisyal, unang sumuko sa 6th ID Philippine Army ang dalawang (2)miyembro ng Dawlah Isalmiyah at isang dating miyembro ng BIFF sa Datu Piang, Maguindano.
Kasunod nito, magkasabay na sumuko ang siyam na iba pang mga terorista sa military galing sa nasabing grupo.
Agad na isinailalim sa iterogasyon at de-briefing ang mga sumukong kasapi ng Dawlah Islamiya at BIFF ngunit hindi na iprenisenta sa publiko dahil na rin sa kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang panawagan ng mga otoridad sa mga kasapi ng rebelde at teroristang grupo na bumalik loob na sa gobyerno upang maiwasan ang anumang kaguluhan sa South Central Mindanao at makapamuhay ng payapa.