-- Advertisements --

Pinalaya na ang 12 menor de edad mula sa 51 indibidwal na inaresto dahil sa paglabag sa mga batas at lokal na ordinansa sa ikinasang kilos-protesta kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon, Hulyo 27.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, itinurn-over ang mga menor de edad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos kumpirmahin ng mga otoridad ang kanilang mga edad.

Ang 39 na iba pa ay inilagay naman sa kustodiya ng pulisya habang sumasailalim sa legal na proseso. Ayon kay Col. Co, sumasailalim sa imbestigasyon at case build-up ang 30 habang ang siyam naman ay subjected sa inquest proceedings.

Posible namang maharap sa obstruction of justice ang dalawang indibidwal mula sa siyam na inaresto habang ang nalalabing pito ay maaaring kasuhan ng malicious mischief, bandalismo at disobedience to a person in authority.

Kabilang sa mga humaharap sa inquest proceeding ay inakusahan ng panununtok sa isang police captain sa kasagsagan ng komosyon sa rally.

Una rito, dinala ang 51 indibidwal sa police stations matapos mahuli ang mga itong nagbabandalismo sa mga pader ng isang gusali sa may Commonwealth Avenue habang ang iba naman ay nakasuot ng balaclavas o takip sa mukha.