-- Advertisements --

Kinasuhan na ang siyam mula sa 51 na raliyistang inaresto dahil sa mga paglabag sa mga serye ng kilos-protesta na inilunsad kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng pangulo noong Lunes, Hulyo 27.

Una nang inaresto ng pulisya ang dose-dosenang raliyista matapos magsuot ng ipinagbabawal na balaclava o takip sa mukha at bandalismo sa pader ng Diliman substation ng Meralco.

Nitong Martes, sumailalim ang mga suspek sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa mga nagawang paglabag gaya ng bandalismo, obstruction of justice, resistance at disobedience to a person in authority, malicious mischief at kaguluhan.

Pinalaya naman ang 30 iba pang suspek habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

Nauna na ring pinakawalan ang 12 menor de edad at itinurn-over sa kanilang mga magulang. Ngunit bago sila pinalaya, sumailalim ang mga ito sa medico-legal examination at profiling ng local Social Services Development Department.