-- Advertisements --
DOH COVID March 15

Mula sa walo kahapon, umakyat na sa 11 ang bilang ng mga nasawi dulot ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Plipinas.

Sa record ng Department of Health (DOH) ngayong araw ng Linggo, tatlong katao na positibo sa COVID-19 ang binawian na ng buhay.

Sa mga oras na ito, mayroon nang 140 kaso ng COVID-19 sa bansa.

Samantala, dalawa pang local governments sa Metro Manila ang nagdeklara ng state of calamity sa gitna ng pagtaas ng mga dinadapuan ng COVID-19.

Kabilang dito ang Manila at Pasay City na nangangahulugang magkakaroon sila ng mabilis na access sa local quick response o sa calamity fund ng kani-kanilang lugar.

Pasay agad agad 2

Nagdulot naman ng pagkalito sa mga taga-Pasay ang unang lumabas na ulat na mayroon nang dalawang nasawi dulot ng COVID-19, matapos na biglang nawala ang naturang online post ng Pasay City Public Information Office.

Una nang inilagay sa state of calamity ang Quezon City matapos makapagtala ng anim na positive COVID-19 cases.

Nabatid na plano na rin ni San Juan Mayor Francis Zamora na ilagay ang kanilang lugar sa ilalim ng state of calamity.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, ito’y kahit pa nasa stable condition na ang 13 COVID-19 patients sa kanilang lungsod na karamihan ay mula sa Barangay West Crame na malapit sa Greenhills Shopping Center.

Sa panig ni Makati City Mayor Abby Binay, posibleng araw ng Lunes bukas, ay magpapasa na rin sila ng resolusyon para sa kanilang calamity fund.

Ito’y kasunod ng pagpasa ng City Council sa ordinansa para pormal na ipatupad ang curfew simula March 16 pagsapit ng alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Sa kabilang dako, pinawi ni Antipolo City Mayor Andrea Ynares ang pangamba partikular ng kanyang mga nasasakupan ngayong may unang kaso na ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Ayon sa alkalde, isa itong 60-anyos na lalaki na unang naospital nitong March 9 at na-diagnose na mayroong pulmonary infection hanggang sa magpositibo rin sa COVID-19.

“Wala pong dapat ikabahala ang ating constituents dahil improving po ang kanyang condition,” saad ng alkalde.

“Ang pagkakaalam namin, nagpunta ang pamilya sa City of Dreams noong February 27 hanggang 28. Wala silang travel history,” dagdag nito.

Wala naman aniyang sintomas ng COVID-19 ang pamilya ng naturang lalaki.