ROXAS CITY – Patuloy sa ngayon ang pag-iimbestiga ng Women and Children Protection’s Desk sa diumano’y panghahalay sa 11-anyos na dalagita ng kaniyang sariling stepfather sa isang bayan sa Capiz.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo, laking gulat ng lola ni alyas Nene ang biglaang pagbago nito at madalas na matamlay.

Dahil sa pag-aalala ay kinausap ng matanda ang apo at dito inamin ni Nene na paulit-ulit itong ginahasa ng kaniyang padrasto na tinatawag nitong “Daddy.”

Nabatid na lumaki ang biktima sa kaniyang lola nguni’t hinihiram umano ito ng bagong asawa ng kaniyang ina at dinadala sa kanilang poultry kung saan ginagawa ng suspek ang panghahalay kay Nene.

Napag-alaman na isang taong gulang pa lamang ang biktima nang namatay ang kaniyang tunay na ama.

Dismayado naman ang lola sa ina ni Nene dahil tinatakpan pa umano nito ang kaniyang bagong asawa.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng kaniyang lolo at lola si Nene at hindi na umano ito babalik pa sa kaniyang ina at kaniyang padrasto.