BAGUIO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang sanhi ng pagkasunog ng isang istruktura sa Sablan, Benguet kahapon kung saan nasawi ang isang bata.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay F/Insp. Melvin Quidilig, Fire Marshal ng Sablan Fire Station, sinabi niyang isang 11-anyos na lalaki ang namatay.

Gayunman, hindi na ito nagbigay pa ng karagdagang impormasyon sa identity ng biktima bilang pagsunod sa kahilingan ng pamilya nito.

Aniya, nagsimula ang sunog alas-3:50 ng hapon at naideklarang fireout alas-5:30 ng hapon.

Napag-alaman sa kanya na ang nasunog na istruktura ay dalawang palapag, luma at abandonadong istraktura ng Sablan Central School na nagsisilbing tahanan ng ilang indibidwal.