BAGUIO CITY – Trending sa social media ang isang larawan ng kabaong na nakalagay sa quarantine checkpoint area ng Itogon Municipal Police Station na may nakalagay na tagline “stay home or stay here”.

Ayon kay P/Maj. Rommel Sawatang, hepe ng kapulisan sa Itogon, psychological approach nila ito upang hikayatin ang mga residente roon na sumunod sa protocol ng “enhanced community quarantine.”

Aniya, nagdesisyon silang gawin ang nasabing hakbang dahil naobserbahan nila na marami pa ring mga residente ng Itogon ang labas ng labas sa kani-kanilang bahay.

Pinasalamatan naman ng opisyal ang mga taong naka-appreciate sa istratehiya at umaasa silang hindi negatibo ang dating nito sa mga residente ng Itogon.

Iginiit pa niya na intensyon lang nila na tulungan ang mga residente na sumunod sa protocol ng quarantine para hindi sila mahawaan ng Coronavirus Disease 2019.