Ni-relieved na sa pwesto bilang 103rd Brigade Commander Brig. Gen. Nixon Forteskahit pa man nagpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa Maute Terror Group sa Marawi City.

Ayon kay Philippine Army (PA) Spokesperson Lt. Col Ray Tiongson na si Col. Generoso Ponio ang itinalagang acting commander ng 103rd Brigade.

Itinalaga si Fortes bilang Assistant Division Commander ng 1st Infantry Division.

Si Col. Ponio ang dating deputy brigade commander ng 103rd brigade na naka base sa Marawi City.

Nilinaw naman ni Tiongson na walang kinalaman sa mga nangyaring security lapses sa Marawi ang pagkakasibak sa pwesto ni Fortes.

Paliwanag ni Tiongson na kailangan ni 1st Infantry Division Commander BGen. Rolando Bautista ng assistant na siyang tututok sa mga pangangailangan ng division.

Sa ngayon kasi nakatuon ang pansin ni Bautista sa Marawi kung saan siya ang tumatayo ding Task Force Marawi Commander.

Epektibo nuong May 29, 2017 ang designation ni Fortes bilang assistant division commander at si Ponio bilang acting brigade commander.

“Actually si 1st ID he is also the TF Marawi so he needs an assistant division commander (ADC) so that everything will not be focused on him, so that other concerns of the division will be addressed,” wika ni Tiongson.