-- Advertisements --

Aabot na raw ng hanggang 1,000 tests kada araw ang kapasidad ngayon ng pamahalaan para sa mga indibidwal na magpapasuri kung positibo sila o hindi sa COVID-19.

Sa virtual press briefing ng Department of Health (DOH) nitong Sabado sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na bunsod ito ng pagbubukas ng ilang sub-national laboratories.

“Pag tinotal po natin lahat ng nagagawa natin for one day, average po is about 950 to 1,000 tests per day ang ginagawa sa ating ngayon,” ani Vergeire.

Ayon sa opisyal, may kapasidad ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntilupa City na makapag-handle ng 600 tests per day.

Habang ang apat na iba ay may kakayahang humawak ng 50 test kada araw.

Nitong Biyernes nang ianunsyo ng DOH na bukas na rin para sa COVID-19 testing ang San Lazaro Hospital para sa Metro Manila at Baguio General Hospital para sa Northern Luzon.

Operational na rin ang Vicente Sotto Memorial Medical Hospital para sa Visayas at Southern Philippines Medical Center sa Mindanao.

Bukod sa mga ito, bubuksan na rin daw ng DOH ang isang ospital sa Bicol region at Western Visayas.

“Maliban doon sa lima, nagse-set up na rin (ang DOH) ng dalawa pang subnational laboratory. ‘Yan ay sa Western Visayas Medical Center at sa Bicol Public Health Laboratory.”

Tiniyak ni Vergeire na mababawasan na ang pagkaantala sa testing dahil sa mga dumating na bagong test kits mula sa ibang bansa.

“Given that we already have this testing kits that have been donated to us, ito po’ng dami ng mga testing kits na ito ay maaring sufficient na para sa ating mga kababayan sa ating present time.”