Nakapagtala na ang Department of Health (DoH) ng 10 Pulis na tumaas ang kanilang blood pressure at sumama ang kanilang pakiramdam habang nagbibigay seguridad sa ASEAN Summit.

Partikular na tinukoy ng DoH ang mga pulis na nagsisilbing bantay sa mga posibleng rally at route security.

Ayon kay Dr. Gloria Balboa, sumama ang pakiramdam ng mga ito dahil sa sobrang init ng panahon.

Sinabi ni Balboa na may isa silang dinala sa ospital ngunit matapos ang pagsusuri sa kaniya ay pinauwi din ito at hindi na kinailangan pang i-confine.

May dalawang mobile clinic mula sa Jose Reyes Memorial Medical Center at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang nag-iikot upang tingnan ang kalagayan ng mga pulis na nakadeploy.

Bukod sa mga tauhan ng PNP, mino-monitor din ng mga mobile clinics ang mga delegates ng ASEAN.