
Isinailalim na sa restrictive custody ang 10 police personnel na sangkot sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Binan City, Laguna.
Sa nasabing operasyon, napatay ang teenager na edad 16 at isang drug suspect.
Ayon kay PNP (Philippine National Police) chief Gen. Guillermo Eleazar, agad niyang ipinag-utos ang paglagay sa restrictive custody ng Police Regional Office-4A ang Police Intelligence Unit Laguna head na si Capt. Fernando Credo at siyam na iba pang pulis na sangkot sa operasyon.
Isinailalim din sa paraffin testing ang mga pulis, habang ang kanilang mga baril ay isinailalim naman sa ballistics examination.
Ang bangkay ng dalawa na nagngangalang Johndy Maglinte at Antonio Dalit ay isinailalim sa otopsiya.
Sa ngayon, pinangungunahan ng Regional Investigation and Detective Management Division kasama ang Regional Internal Affairs Service ang imbestigasyon sa insidente para mabatid kung may kapabayaan at kung nasunod ang police operational procedure sa operasyon.
Nanindigan naman ang mga operatiba na lehitimo ang kanilang operasyon kung saan target talaga ang drug suspek na si Dalit na kabilang sa “10 most wanted persons” sa Laguna.
Umalma kasi ang pamilya Maglente na pinatay ng mga pulis ang dalawang biktima.
Siniguro ni PNP chief na kaniyang pakatutukan ang kaso, at hindi palalagpasin ang ginawa ng kaniyang mga tauhan kung talagang may kasalanan ang mga ito.
Samantala, bukas ang PNP sa gagawing independent investigation ng Commission on Human Rights hinggil sa insidente.















