CAGAYAN DE ORO CITY – Napilitang sumuko ang nasa sampung pinaniwalaang mga kaanib ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa gobyerno dahil sa walang humpay na operasyon ng state forces sa bahagi ng Bukidnon.
Mismo si Police Regional Office 10 Director Brig Gen Lawrence Coop ang tumanggap sa kanila sa loob ng Camp Alagar na agad naman isinapubliko upang malaman ng sambayanan na panibagong pangkat ng CPP-NPA ang tumalikod sa kilusan dahil pagkabigo lang ang sinapit nila sa kabila ng mga matatamis na mga pangko.
Sinabi ni Coop na ang pagsuko ng mga rebelde na nagbitbit ng isang barret type sniper rifle ay lalong nagpahina sa mga nasa likod ng North Central Mindanao Regional Committee na kumikilos sa mga probinsya ng Northern Mindanao.
Kuwento pa ng isang Alyas Tuko na dating may hawak na mataas na katungkulan na bumagsak ang kanilang moral dahil kahit isa sa mga ipinangako sa kanila ng kilusan ay walang naisakatuparan.
Ito rin ang dahilan na sabay sila na nag-desisyon na susuko pabalik sa gobyerno sapagkat pawang pagsisinungaling at panlilinlang lamang ang ginawang kapital ng organisasyon para makaakit ng mga armadong miyembro.
Magugunitang noong huling bahagi rin ng Marso 2023 ay ilang NPA members din ang tumalikod sa kanilang kilusan at sumuko sa pulisya dito sa rehiyon.