Sumabog ang isang fuel tanker, malapit sa Johannnesburg sa South Africa kung saan 10 katao ang nasawi at 40 naman ang sugatan.
Kabilang sa mga sugatan ay ang driver ng tanker at ang anim na firefighters.
Nangyari ang pagsabog nitong Sabado ng umaga sa lungsod ng Boksburg matapos “ma-stuck” sa ilalim ng tulay ang tanker na may lamang liquefied petroleum gas (LPG).
Ang truck ay naglalaman umano ng 60,000 litres ng LPG na ginagamit sa pagluluto.
Ayon sa report maraming malalapit na kabahayan at sasakyan ang napinsala sa nasabing pagsabog.
Maghahatid raw ang tanker ng gas sa malapit na OR Tambo Memorial Hospital, ngunit bago pa man makarating ay nakatanggap ng tawag ang emergency services ng rehiyon hinggil sa nasabing insidente.
“We received a call towards 7:50am telling us a gas tanker was stuck under a bridge,” ani William Ntladi, spokesman ng emergency services.
Rumesponde ang firefighters upang apulahin ang apoy ngunit sumabog parin ang tanker.
“Walking through here was just a sight of absolute devastation. I have never seen something like this ever before,” pahayag ng isang residente na si Simon Lapping.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente ayon kay Tania Campbell, mayor ng Ekurhuleni ang munisipyo kung saan matatagpuan ang lungsod ng Boksburg.