-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Matatawag umanong “drastic move” subalit ipinapanukala ng isang mambabatas na isang taon munang pansamantalang ipagpaliban ang recruitment ng mga bagong plebo sa Philippine Military Academy (PMA).

Paliwanag ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na isa sa mga principal author ng Anti-Hazing Act of 2018 sa Kamara, lubha nitong ikinadismaya ang sinapit na “maltreatment” ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio at paglutang ng bagong video ng ilan pang inaabusong kadete sa PMA, sa kabila ng existing law.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batid ni Garbin na malaking kawalan sa military institution ang nangyari na sinasabing matagal nang nagaganap.

Hindi rin aniya malayong maipasa ang “culture of violence” sa bawat batch ng mga kadete na papasok sa akademya hanggang sa hinaharap.

Inirekomenda ni Garbin na isaayos muna ang sistema sa loob ng isang taon upang makatiyak din ang mga magulang na ligtas at walang mangyayaring masama sa kanilang mga anak habang nag-aaral sa PMA.

Idadaan umano ang usapin sa legislative investigation sa pagbabalik ng Kamara mula sa recess sa Nobyembre 4.

Ipapatawag sa gagawing pagsisiyasat ang mga naging biktima, sangkot hanggang sa mga opisyal ng PMA.