CAGAYAN DE ORO CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng 1-year old baby na lalaki ng sabay na matupok ng apoy sa loob ng dalawang palapag na bahay sa Purok 2 Poblacion, Valencia City, Bukidnon.

Ito ay matapos mag-overheat umano ang umaandar na electric fan sa isang kuwarto na naging dahilan ng pagsiklab ng malaking sunog sa nasabing lugar.

Kinilala ni Valencia City Bureau of Fire Protection Fire Marshall Capt. Romeo Miranda ang biktima na si John Michael Catao na nakatira sa nasabing lugar.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Miranda na natutulog ang sanggol habang naliligo naman sa ground floor ang ina nito nang mangyari ang insidente.

Mabilis namang nilamon ng apoy ang dalawang palapag na bahay kaya hindi na nagawang maisalba ang biktima.

Sugatan din ang isa pang biktima na nagngangalang Regie Palban, matapos magtakbuhan ang 28 pamilya na okupante sa nabanggit na bahay.

Nagtala naman ng humigit kumulang sa isang milyong piso na structural damage ang nasabing sunog.