-- Advertisements --

Isinusulong ni Malasakit at Bayanihan Party-list Representative Anthony Golez ang panukalang House Bill No. 6232 or the Mandatory Medical Service Bill, na layong magkaroon ng equitable distribution ng mga health workers partikular sa mga malalayong lugar.

Ayon kay Golez, sa sandaling maging ganap ang panukalang batas, mas maraming doktor at mga health workers ang makapagbibigay ng serbisyo at matulungan ang ating mga kababayan, kasama dito ang mga Doktor at iba pang medical practitioners na mabigyan ng tamang sweldo at employee benefits.

Layon ng panukalang batas na maisakatuparan ang pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan para sa mas maraming Pilipino.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Rep. Golez kung paano tinutugunan ng mga probisyon sa Mandatory Medical Service Bill ang isa sa mga pain points ng Universal Health Care Act (UHC) ang kakulangan ng mga medical professionals sa bansa.

Ayon sa mambabatas, halos lahat ng mga doktor ngayon ay nasa urban areas.

Sinabi ni Golez kailangan mabigyan ng pansin ang ating mga kababayan na naninirahan sa mga malalayong baryo na nangangailangan din ng mga tulong medical at health care services.

Ipinunto din ng mambabatas na ang mga kababayan natin na nasa mga kanayuhan ay hirap makahagilap ng mga doktor.

“The most important thing about this bill is we will equitably distribute our doctors to areas that do not have them,” pahayag ni Rep. Golez.

Magugunita na sa nangyaring pakikipagpulong sa House Committee on Appropriations, inamin ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na nangangailangan ang bansa ng 178,000 nurses at 114,000 physicians.

Ang panukalang batas ni Rep. Golez ay nag-uutos na ang mga bagong doktor, pagkatapos makapasa sa medical board exams at bago matanggap ang kanilang certificate of registration, ay magbigay muna ng isang taon ng serbisyo sa isang ospital ng gobyerno o sa mga health facilities.

Ayon sa mambabatas, sa nasabing panukala makikita ang tagumpay ng Universal Health Care, partikular ang mga prinsipyo sa pag-access sa pangangalagang pangkalusugan, at ang probisyon upang bumalangkas ng mga patakarang may kalidad batay sa mga pangangailangan ng populasyon.

“For Universal Health Care to be successful, we need to have doctors in far-flung places, in our barrios and rural communities, so we can equitably provide our services. With the lack of these healthcare workers, our country’s going to find achieving universal healthcare difficult,” pahayag ni Golez.

Iminumungkahi din ni Golez na magkaroon ng mas maraming plantilla position, mas mataas na suweldo, at mas maraming benepisyo. Kasama rin dito ang pagtugon sa kasalukuyang mga scheme ang pagsasanay para sa mga bagong doktor at nars.

“Most of the time, they do not receive wages, and actually pay out of their pockets to practice and find training in hospitals. It’s a painful situation for us: those who serve are also the ones who have to pay hospitals,” wika ni Rep. Golez.

Pinuna rin ni Rep. Golez ang hindi nagamit na P7-billion DOH funds for plantilla positions, na maari na sanang punan ang mga gaps sa public healthcare.