LEGAZPI CITY – Naging matagumpay ang pagbabalik ng biyahe ng provincial bus na mula Bicol papuntang Manila.
Ito’y matapos ang mahigit isang taong suspensyon nito simula nang magkaroon ng coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Councilor Al Barizo, sa unang biyahe ng bus mula Legazpi papuntang Manila, lima lamang ang sakay nitong pasahero subalit itinuloy pa rin ang biyahe.
Maayos naman aniya ang pagbabalik ng provincial bus dahil sumunod ang mga pasahero, drayber at kondutor sa hinihinging RT PCR test results, gayundin ang pagdaan sa booking at iba pang health protocols.
Umaasa ang opisyal na sa mga susunod na araw ay dadami na ang mga sumasakay na pasahero na makakatulong sa ekonomiya ng lungsod.
Nabatid na hiniling ng mga lokal na gobyerno ang pagbabalik ng biyahe ng provincial bus upang maiwasan na ang mga sumasakay sa colorum at hindi nasusunod ang health protocols makauwi lamang sa Bicol.