-- Advertisements --
Sitti 2

Mas natutunan na ng singer na si Sitti na pahalagahan ang buhay sa kabila ng pakikipaglaban ng bansa sa coronavirus pandemic.

Pahayag ito ng tinaguriang Bossa Nova Queen, eksakto isang linggo mula nang maaksidente habang nagbibisikleta kasama ang circle of friends nilang mag-asawa.

Sa pagbabalik tanaw ng 35-year-old singer, masaya ang unang bahagi ng bicycle ride ng kanilang grupo mula Makati at tumbok sana ang Bonifacio Global City sa Taguig.

Gayunman, biglang nawalan ng kontrol si Sitti sa magaspang na pababang bahagi ng flyover malapit sa Buendia.

Tatlong metro aniya siyang nakaladkad habang sumisigaw, hanggang sa mauntog sa concrete barrier at mabuti na lamang ay nakasuot siya ng helmet.

“I tried not to move, felt pain in my left side but I knew right away that nothing was broken, that I just suffered nasty, superficial wounds that Joey warned me not to look at. But still, I cried hard – probably from shock but also because some part of me felt like I attracted this accident,” bahagi ng detalyadong kuwento nito sa kanyang blog.

Sa ngayon, patuloy ang kanyang pagpapagaling sa mga tinamong sugat at unti-unti na ring nagsasanay na maglakad ng maayos kahit maga pa ang mga paa at binti.

Wala ring anumang nabali sa kanyang buto base sa latest check up, maliban na lamang sa tatlong bato na nakuha sa kanyang siko noong operahan.

Taong 2015 nang ikasal si Sitti sa kanyang non-showbiz boyfriend at ngayo’y mayroon na silang isang anak. (bossagurl blog photos)