BAGUIO CITY – Nadiskobre na ang identity ng opisyal na umano’y nagplano sa isa sa mga death threats na natanggap ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Ayon sa alkalde, suwerte ito at ang mga imbestigador sa kabila ng mga natanggap niyang death threats dahil maraming tao ang tuluy-tuloy na nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa kaso.
Aniya, nakilala na nila ang isang banta na natanggap niya kung saan binanggit niya ang kaso sa mga pinagkakatiwalaan niyang opisyal ng pambansang pulisya.
Sinabi ng dating Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group chief na tuluy-tuloy din ang pagtugis ng mga otoridad sa mga nagbabanta sa buhay niya para masiguro na hindi maisasagawa ang masamang plano ng mga ito.
Bigla rin aniyang huminto ang mga natatanggap niyang banta sa buhay.
Una nang naging emosyonal at hindi naiwasang naiyak ni Mayor Magalong habang isinasagawa ang ecumenical prayer rally para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.
Nagkaroon kasi ito ng mga death threat dahil sa mga naging rebelasyon niya sa mga pagdinig ng Senado ukol sa mga “ninja cops” at iba pang korupsyon sa PNP.
Aniya, ramdam nito ang mainit na suporta ng mga mamamayan ng Baguio sa kanya at sa kanyang pamilya na nagbigay sa kanya ng karagdagang inspirasyon para ituloy ang kanyang mga nasimulan.
















