-- Advertisements --
TABIGNE

BUTUAN CITY – Inaabangan na ng pamilya Tabigne ng Purok 9, Brgy. Los Angeles nitong lungsod ng Butuan ang pagdating sa bangkay ni 1st Lt. Mike Tuesday Tabigne, ang isa sa apat na namatay sa bumagsak na Huey Helicopter ng Tactical Operations Group Region 2 (TOG-2) ng Philippine Air Force (PAF) sa Cauayan City, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Susana Tabigne, ina ng biktima, lubos nilang ikinalulungkot ang nangyari sa kanilang anak na walang ibang prayoridad kundi ang mapa-angat ang pamumuhay ng kanilang pamilya.

Ayon kay Aling Susana, palaging positibo ang pananaw sa buhay ng kanyang anak na hindi ginawang hadlang ang hirap ng buhay sa pagkamit ng kanyang pangarap na magiging piloto.

Napg-alamang isang lisensyadong guro si Mike na kaagad namang suma-ilalim sa Officer’s Candidate Soldier (OCS) sa loob ng isa at kalahating taon at nagpatuloy pa sa pag-aaral ng pagka-piloto sa Lipa City sa Batangas.

Huli nilang nakapiling ang lang anak nito pang Disyembre nitong nakalipas na ton nang ito’y umuwi.

Lubos na kalungkutan naman ang nadama ng ama ng biktimang si Mang Anecito lalo na’t planol pa sana nitong bumili ng lupa na kanilang gawing sakahan.

Ayon kay Mang Anecito, binilhan pa siya ni Mike ng multicab bilang birthday gift sa kanya.

Matatandaang nagsagawa ng night vision proficiency training ang mga miyembro ng TOG-2 ng PAF nang maganap ang insidente na nagresulta sa pagkamatay ng apat na mga sakay habang isa ang malubhang nasugatan.