Hawak na ng mga otoridad ang isa sa walong suspek na miyembro ng “Salisi Gang” na sangkot sa pagnanakaw ng wallet ng ina ng aktres na si Nadia Montenegro sa loob ng isang membership shopping store sa Novaliches, Quezon City.
Sa report ni Quezon City Police District (QCPD) Director B/Gen. Remus Medina, sumuko sa pulisya ang suspek na nakilalang si Romeo Miranda na personal na nagtungo sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal bago magtanghali kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumilitaw na si Miranda ang nagsilbing driver ng grupo na umano’y tumangay sa mga gamit ng biktimang si Linda, ina ni Montenegro.
Patuloy namang pinaghahanap ng kapulisan ang pito pang suspek na sangkot sa naturang pagnanakaw.
Una rito, abalang namimili ang ginang sa loob ng S&R membership shopping store nitong Miyerkules nang isa-isang maglapitan ang mga suspek at inipit siya ng maraming cart.
Nang magbabayad na ay saka lamang napagtanto ng ginang na natangay na ang kanyang wallet na naglalaman ng P10,000, mga ATM card at IDs.
Kaagad din daw nakapag-withdraw ang mga ito ng P20,000 at P67,000 cash mula sa kanyang bank accounts.
Ayon kay B/Gen. Medina, batay sa “CCTV” recordings ng pamilihan ay gumamit ng thermalyte color Toyota Innova na may plate number NDK 5499 ang mga suspek.
Sumuko ang suspek na si Miranda kasama ang kanilang counsel na si Atty. Melvyn Barroa para magbigay ng kaniyang sworn written statement.
Ayon sa suspek, inarkila lang siya ng isang alyas Che at Joseph para magmaneho at sunduin ang kanilang mga kaibigan sa S&R Commonwealth kaya hindi raw niya kilala ang grupo.
Subalit sa isinagawang verification ng Anti Cyber Crime Group-QCPD, nabatid na ang grupo at si Miranda ay mayroong mga “common friends,” kaya tuluyang inaresto si Miranda.
Samantala, pinuri ni National Capital Region Police Office Chief M/Gen. Felipe Natividad ang QCPD sa pagkakadakip sa isa sa mga suspek.
“I commend the efficient investigation conducted by the elements of PS-16, QCPD which resulted to the arrest of one of the suspects in this theft incident. Moreover, we enjoin our citizens to be extra vigilant their surroundings now that we have recorded the presence of this lawless elements even in places we least expect them to be. Guaranteed that NCRPO will not stop until all the suspects were located and arrested accordingly,” wika ni M/Gen. Natividad.