BAGUIO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang kaso ng dalawang bangkay na narekober sa magkaibang bangin ngunit magkalapit na lokasyon sa La Trinidad, Benguet kahapon.

Ayon kay P/Maj. Cleff Vencio, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station, nakita ang isang bangkay sa Pico-Lamtang Road, Barangay Puguis, habang sunod na natagpuan ang hubo’t hubad na bangkay ng isa pang lalaki sa Lamut, Barangay Beckel.

Aniya, nakilala na ang unang bangkay na si Johnny Rabang, 55-anyos na taxi driver at residente ng San Carlos Heights, Baguio City, kung saan nadiskobre ito ng isang karpintero.

Dinagdag niya na si Rabang ay dating drug surrenderee at isa sa high value target ng mga pulis ng Baguio City.

Sunod aniyang natagpuan ng mga nagpapatrolyang barangay tanod ang ikalawang bangkay na hindi pa ito nakikilala.

Sinabi ni P/Maj. Vencio na parehong nagtamo ang dalawang bangkay ng tig-dalawang tama ng bala ng baril.