GENERAL SANTOS CITY – Ikakasal na sana sa susunod na buwan ang isa sa 10 biktima na namatay na sakay ng UV express na bumangga sa kasalubong na 10-wheeler truck.
Ayon sa Traffic Management Unit, pauwi na ng Gensan ang 14 na biktima sakay ng commuter van na nanggaling sa dalawang araw na team building sa Isla Bonita, Talicod, Davao del Norte.
Nangyari umano ang insidente sa Purok 4 Batomelong nitong lungsod ng pumutok ang gulong ng commuter van at dumiretso ito sa kasalubong na cargo truck at nagka-head on.
Nabangga din ang isa pang pick-up truck .
Ang mga biktima ay empleyado ng Tuna Exporters Multi-Purpose Cooperative sa lungsod na nag-post pa ng mga litrato bago ang kanilang paglalakbay.
Una nang kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Lalaine Joy Labang, 28; Mylene Donaldo, Carlo Advincula, Noel Podadera ang driver sa commuter van na taga-Brgy. Klinan, Polomolok, So. Cotatabato, habang patay naman si Regie Pag-ong na taga-Brgy. Fatima, Ryan Jay Niñez taga-Polomolok, South Cotabato; Alfredo Abatayo, Prk. 3 Ladol, Alabel, Sarangani province; Cesar Andaya driver ng wing van truck na residente ng Guihing Relocation, Hagonoy, Davao Del Sur; Rose Ann Macpal, residente ng Brgy. Labangal at Salvacion Masugbod, ng Zone 7, Block 0, Fatima, sa lungsod ng Gensan.
Lima naman ang dinala sa pagamutan pati na ang driver ng pick-up truck na nagkaroon ng mga sugat sa katawan.