CAUAYAN CITY -Isa ang patay habang siyam ang sugatan sa naganap na mga aksidente sa mga bayan ng Echague at San Mateo, Isabela.

Ang namatay ay kinilalang si Anthony Tagacay, motorcycle driver, residente ng Dammang West, Echague; habang nasugatan si Sergio Aspa, driver ng kotse, tubo rin sa nasabing lugar.

Batay sa pagsisisyasat ng mga otoridad, binabagtas ni Tagacay ang lansangan patungong Dammang West nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay umiwas umano ito sa pababang bahagi ng lansangan kaya nakabanggaan nito si Aspa.

Agad namang dinala sa pagamutan ang mga biktima upang malapatan ng lunas subalit idineklarang dead on arrival si Tagacay habang inilipat naman ng pagamutan sa lungsod ng Santiago si Aspa para sa kaukulang atensiyong medikal.

Samantala, sugatan ang walong katao sa banggaan ng tricycle at motorsiklo sa Brgy. Malasin, San Mateo, Isabela.

Natukoy ang mga biktima na sina Francisco Carrabbacan, 44, driver ng tricycle; Mateo Carrabbacan; Micheal Angelo Santiago; Jasmine Santiago; at Lorna Felix Rigor na pawang residente ng San Mateo, Isabela.

Nasugatan din si Edmar Dela Cruz, tsuper ng motorsiklo at mga lulan nitong sina Rodel Lungat, residente ng Aurora, Isabela at Edmar Lagliba.

Sa imbestigasyon ng San Mateo Police Station, lumalabas na tinatahak ng tricycle ni Carrabbacan ang lansangan patungong Alicia at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bigla umanong umagaw ng linya ang kasalubong na motorsiklong minamaneho naman ni Dela Cruz sanhi para magbanggaan.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo bg sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa pagamutan upang malapatan ng lunas.