NAGA CITY – Isa ang patay habang nananatili pa sa ospital ang dalawang iba pa matapos aksidenteng matangay ng alon sa dagat sa P-1A, Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte.

Kinilala ang nasawi na si Jayson Tino y Guianan, 23, habang nasa ospital pa sina Raymond Briz, 23, at Renan Guianan, 23, mga residente ng Brgy. Pacol, Naga City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Norte Police Provincial Office, binisita ng mga biktima ang mga kamiyembro ng mga ito sa Light of the World Church sa Daet, Camarines Norte.

Matapos mabisita ang mga kasamahan, napagkasunduan ng mga ito na magtungo sa Corazon Aquino Boulevard para mag-swimming.

Hanggang sa nakita na lamang si Jayson Tino na humihingi ng tulong dahil nagsisimula na itong malunod.

Kaugnay nito, agad namang sumaklolo sina Raymond Briz at Renan Guianan ngunit, pati ang dalawa ay nadala rin ng malakas na alon ng karagatan.

Mabilis namang nakaresponde ang Mercedes PNP at MDRRMO-Mercedes kung saan agad na nadala sa ospital ang mga ito ngunit hindi na naagapan pa ang buhay ng isa sa mga biktima.