Isang crew member ang patay, 18 naman ang maswerteng nasagip habang mayroon pang isang indibidwal ang kasalukuyang pinaghahahanap ngayon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Ito ay kasunod ng insidente ng banggaan ng MV Hong Hai 189 at MT Petite Soeur sa katubigang sakop ng Isla ng Corregidor.
Dahil dito ay agad na ipinadala ng PCG ang BRP Capones at isa pang barko, at mga aluminum boats at rubber boats upang rumesponde at tumulong sa search and rescue sa lugar.
Sa ulat ang MV Hong Hai 189 ay isang dredger na mula sa Botolan, Zambales at may sakay na 20 crew members, habang ang MT Petite Soeur naman ay isang chemical and oil product tanker na nagmula sa Mariveles, Bataan bago pa man mangyari ang naturang insidente.
Ayon sa mga otoridad, 16 sa 20 crew na lulan ng MV Hong Hai 189 ang nasagip ng Heng Da 19 na malapit lamang sa lugar nang mangyari ang nasabing aksidente, at nasa mabuting kondisyon na rin ang 21 mga tripulanteng sakay ng MT Petite Soeur.
Habang ang mga labi naman ng Chinese crew member na nasawi rito ay narekober ng search and rescue team ng PCG bandang alas-7:30 kaninang umaga.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ikinakasang aerial survey ng Coast Guard Aviation Force bilang bahagi pa rin ng search and rescue operations sa lugar.
Habang inaasahan namang magsasagawa ng port state control inspection ang mga otoridad sa MT Petite Souer.