Nasa 1,000 corrections officers at 133 Non-Uniformed Personnel (NUP) na mga bakanteng posisyon ang bubuksan ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong araw, Nobyembre 7, 2022, sa pamamagitan ng isang job fair kasabay ng paggunita sa ika-117th anibersaryo nito.
Sa isang pahayag ay sinabi ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na ito ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na baguhin ang kagawaran mula sa mga iregularidad at ilegal na gawaing natuklasan ng mga kinauukulan na nagaganap sa loob ng New Bilibid Prison.
Ang BuCor Job Fair ay gaganapin sa One-Stop Shop Recruitment Booth na bubuksan simula ngayong araw hanggang sa Nobyembre 18, 2022 sa National Headquarters, New Bilibid Prison (NBP) Reservation, Sunken Garden, Muntinlupa City mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Samantala, inaanyayahan din ang mga nakapasa sa civil service examinations na mag-aplay dito.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Catapang na ang kaniyang mga natutunan noong siya ay cadet pa lamang sa Philippine Military Adacemy tulad ng katapangan, integridad, at katapatan sa serbisyo ang mga bagay na nais niyang maitanim sa mga bagong magiging opisyal ng BuCor.
Ipinahayag ito ng opisyal matapos niyang ibunyag na mayroong mahigit 7,000 lata ng mga beer at iba pang kontrabando ang umano’y nakalusot sa Maximum Security Compound ng Bilibid kasama ang mga opisyal ng BuCor at Bureau of Jail Management and Penology.