Aabot sa isang libong mga bilanggo ang inilipat ng piitan patungo sa Iwahig at Sablayan prison and penal farms.
Ayon kay BuCor director-general Gregorio Catapang Jr., sinadya niyang bahagyang isekreto ang hakbang na ito dahil pawang mga high-value prisoners ang mga ito na kinabibilangan din ng ilang mga drug lord at babae .
Aniya, nasa 500 mababait na mga bilanggo ang inilipat sa Iwahig Prison and Penal Farm, habang sa Sablayan Prison And Penal Farm naman inilipat ang natitirang 500 mga pasaway na preso.
Bukod dito ay naniniwala rin ang opisyal na isa ang paglilipat sa mga high value prisoners sa mga dahilan ng kaliwa’t kanang sulputan ng mga kontrobersiyang bumabalot ngayon sa New Bilibid Prison.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni Catapang na hindi makakatakas ng kanilang pasilidad ang naturang mga bilanggo lalo na’t ang mga piitang pinaglipatan sa mga ito ay nasa bundok at malayong lugar.
Kasabay nito ay agad din aniyang iuulat kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang paglilipat sa mga preso.